Isa ako sa mga taong may malaking prinsipyo sa buhay. Prinsipyong, minsan, inaamin kong nagiging dahilan para isakripisyo ko ang mga bagay na nagpapasaya sakin. Madalas kong iniiyakan ang mga naisasakripisyo kong yon. Pero at the end of the day, sa awa ng Diyos, natututunan kong tanggapin iyon ng buong puso at maging masaya na lamang sa naging desisyon ko.
Noon, masasabi kong isa kong taong..hungkag. Tila ba ang buhay ko'y punong-puno ng hinanakit, galit, lungkot, at katanungang lalong nagdadagdag ng galit ko sa mundo. Inggit na inggit ako sa mga nasa paligid ko. Kahit kailanman ay mas nauuna kong pansinin ang mga panget na bagay at masasamang pangyayari na aking nararanasan at ang pagkanegatibo kong ito ay labis na humaharang sa mga magagandang bagay na biyaya sa akin ng Panginoon.
Pero, tunay ngang kaybuti ng Diyos. Ang buhay kong hungkag ay pinuno nya ng kulay. Unti-unti kong natutunang ngumiti sa bawat umagang nagigising ako dahil alam kong andyan lamang sya na nagbabantay sa akin. Sa bawat araw na nagdadaan, ang puso ko'y nagagalak pagkat mas lalo ko siyang nakikilala. Sa ganitong pangyayari, ang dating humuhikbi kong puso ay lagi nang may ngiti kahit na nahaharap ito sa mga hindi magagandang mga pangyayari.
Simula na ako ay napunta sa piling nya, hindi na ko nakaramdam pa ng pangmatagalang kaulungkutan at pagdurusa't pangungulila. Lagi ng ako'y may ngiti at napupuno ako ng inspirasyong mabuhay at itaguyod ang aking sarili. Salamat Panginoon sa paghipo mo sa aking puso.